Wednesday 14th November 2018
f-icon twit-icon g-icon insta-icon
   
Sep 18, 2018 @ 11:11

NI: ROLDAN CASTRO

Kinilala ang galing at serbisyo ng pitong overseas Filipino worker (OFW) na naglilingkod sa kapwa Pinoy sa ngalan ng bayanihan sa ginanap na “Global Pinoy Idol” ng DZMM TeleRadyo, ABS-CBN News, at The Filipino Channel (TFC) kamakailan lang.

Dalawa sa kanila ang negosyanteng sina Rene Tillaman Ali at Leo Barrameda na tumutulong sa ibang Pinoy makapagpundar ng sariling negosyo.

Libreng edukasyon at tutoring para sa nars at caregiver ang hatid ni Veronice Saha, samantalang libreng serbisyong medikal at mga gamot naman ang binibigay ni Dr. Joel Villanueva.

Samantala, ang IT professionals na sina Fortunato Esguerra at Andrew Santos naman ay naglalaan ng oras sa pagbibigay ng libreng computer training at tulong pinansyal upang mas mapabuti ang buhay ng mga kababayan.

Para sa human resources professional naman na si Dr. Rommel Sergio, libreng counselling ang alay niya sa mga kababayang nangungulila sa pamilya o nakararanas ng depresyon at scholarship sa mga batang nangangailangan sa Pilipinas.

Pinarangalan ang pitong “Global Pinoy Idol” sa Dubai noong Setyembre 7 sa unang bahagi ng “Global Pinoy Idol 2018.” Layunin nitong magsilbing inspirasyon para itaguyod ang bayanihan at kooperasyon sa mga Pilipinong nasa ibang bansa at maglingkod ng serbisyo sa kanila.

Nagkaroon din ng mga aktibidad tulad ng mga seminar tungkol sa karera at trabaho, pangangalaga at pagpapalago ng pera, buhay mag-asawa, at pamilya. May mga libreng konsultasyon rin sa mga serbisyong legal, SSS, at Pag-Ibig na hatid ng Philippine Consulate sa Dubai, at bazaar. Dumalaw rin sa Dubai para magpasaya sina Zen Hernandez ng ABS-CBN News, Ahwel Paz ng DZMM, at mga Kapamilya stars na sina Matteo Guidicelli, Enchong Dee, at Erich Gonzales.

Paparangalan ang mga susunod na “Global Pinoy Idol” sa London, England ngayong Nobyembre.

Sharing is caring!

Latest    Trending    News

IG   Slideshow

All    Time    Trending

Copyright © 2018 NewsKo - Celebrity, media and campus crush..