DepEd pinahaba enrollment hanggang Sept. 30

DepEd pinahaba enrollment hanggang Sept. 30

Sa hangaring mahikayat ang maraming estudyante na mag-aral, pinalawig ng Department of Education ang enrollment sa mga pampublikong eskuwelahan hanggang katapusan ng Setyembre.

Sinabi ni Education Undersecretary Revsee Escobedo na napagkasunduan ng executive committee na iurong ang huling araw ng enrollment sa Setyembre 30.

Ang huling araw ng enrollment ay nitong Lunes, Setyembre 13, kasabay ng pagbubukas ng School Year 2021-2022.

“Magpapalabas tayo ng [memorandun kung] saan ang DepEd ay tatanggap ng enrollees hanggang Sept. 30, 2021,” wika ni Escobedo sa virtual school opening program.

“Umaasa tayo na sa buwan na ito, mahihigitan natin ang numero ng enrollment natin noong School Year 2020 to 2021,” dagdag pa niya.

Sa huling bilang nitong Lunes, umabot na sa 24.6 milyon ang nagparehistro sa pribado at pampublikong eskuwelahan, katumbas ng 93.8 percent ng 26.2 milyong nagpa-enroll noong nakaraang taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *