Higit 21M estudyante balik-eskuwela

Higit 21M estudyante balik-eskuwela

Balik-eskuwela ngayong Lunes, Setyembre 13, ang higit 21 milyong estudyante sa pribado at pampublikong eskuwelahan sa bansa.

Pero dahil sa COVID-19 pandemic, blended learning pa rin ang paraan ng pagtuturo sa mga estudyante katulad ng pinatupad noong nakaraang school year.

Sabi ng Department of Education (DepEd), as of September 9,2021 ay umabot na sa 21,034,472 estudyante ang nagparehistro, katumbas ng 80.2 percent ng 26,227,022 nagpatala noong nakaraang taon.

Sa bilang na ito, 15,320,766 ang mag-aaral sa pampublikong paaralan, 1,132,632 sa pribadong eskuwelahan, at 23,747 naman sa mga state o local universities and colleges. Umaabot naman sa 4,557,327, ang maagang nagparehistro.

Pinakamarami sa nagparehistro ay sa Calabarzon na may 2,905,646 estudyante. Sumusunod ang Central Luzon at Metro Manila na may 2,167,516 at 1,993,601, ayon sa pagkakasunod.

Itinulak naman ni Senador Sherwin ‘Win’ Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education, na simulan na ang face-to-face classes sa mga lugar na mababa o walang kaso ng COVID-19.

“Itong mga zero COVID pwede na silang magbukas ng klase at doon na tayo mag-umpisa ng face-to-face classes dahil walang COVID eh, yung mga LGUs na nasa isla, mga nasa bundok na hindi naman pinupuntahan ng tao dapat ho talaga pwede nang mag-face-to-face classes doon,” giit ni Gatchalian.

“Doon sa mga urban centers, katulad dito sa Metro Manila tingin ko hindi pa pwede dahil tuloy-tuloy pa ang pagdami ng virus pero doon sa mga lugar na wala namang COVID kahit isa, tingin ko papasukin na ang mga bata,” hirit pa niya.

Matatandaang nagpa-survey pa si Gatchalian may ilang buwan na ang nakaraan upang malaman kung may natututunan ang mga estudyante sa blended learning.

Lumabas sa survey na hindi gaanong natututo sa blended learning ang mga mag-aaral, ang iba ay dinadahilan na tinatamad at ang iba naman ay walang magamit na gadget.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *