CHR mag-iimbestiga sa hazing na ikinamatay ng Grade 10 student

CHR mag-iimbestiga sa hazing na ikinamatay ng Grade 10 student

Iniimbestigahan na umano ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagkamatay ng isang Grade 10 student sa San Enrique, Negros Occidental kamakailan dahil sa umano’y hazing.

Sa ipinalabas na statement kahapon, sinabi ni CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia na nakakaalarma ang nangyaring pagkamatay sa naturang estudyante.

“CHR has always held a strong stance against hazing and its consequences,” ani de Guia.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng opisyal ang mga paaralan at higher education institution na may responsibilidad na protektahan ang karapatan ng mga estudyante kahit umiiral ang online schooling ngayong pandemya.

Aniya pa, ang hazing ay isang direktang paglabag sa karapatan ng estudyante sa safety and security.

“As we investigate this incident, we call upon the Department of Education in line with their Child Protection Policy to take cognizance of this incident,” pahayag pa ng CHR kasabay ang pagpapahatid ng pakikiramay sa pamilya ng biktima.

“We condole with the victim’s family and his loved ones,” pahayag pa ni De Guia.

Noong Setyembre 3, nagdiwang ng ika-18 kaarawan ang biktima bago umalis ng bahay kasama ang 3 umano’y miyembro ng fraternity na nakainuman din nito.

Pag-uwi ng biktima sa kanyang bahay ay dumaing na ito ng pananakit ng katawan hanggang sa lagnatin at mamatay makaraan ang ilang araw. Bago namatay, inamin ng biktima sa kanyang magulang na sumailalim siya sa fraternity hazing.

Naaresto ang mga suspek at nakuha ang isang paddle sa bahay ng isa sa tatlong suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *