BIMC: Isang pagbabalik-tanaw para sa pagsulong at tuloy-tuloy na pagyabang (huling bahagi)

BIMC: Isang pagbabalik-tanaw para sa pagsulong at tuloy-tuloy na pagyabang (huling bahagi)

Kasabay ng pang-anim na selebrasyon sa pagiging lungsod ng Bacoor, ang kauna-unahang BACOOR INTERNATIONAL MUSIC CHAMPIONSHIPS ay ginanap sa makasaysayang Quirino Grandstand sa Luneta noong Hunyo 22, 2018.

Isang angkop na lugar para sa isang makasaysayang kaganapan upang maipakita sa lahat ang likas na kagalingan at makukulay na mga uniporme ng mga musiko at bandang Bacooreño pati ng kapwa Filipino. Gaya ng kanyang ngalan na “international,” ito ay nilahukan ng 11 na banda na nanggaling pa sa ibang bansa at 26 naman ang lokal na banda na sumali at hindi nagpahuli sa pagpapakitang gilas at natatanging talento sa paggamit at paghawak ng mga instrumento.

Aking matatandaan sa aking binigay na talumpati na may buong rangal at pagmamalalaki na likas na kagalingan ng mga mahal kong kababayang Bacooreño pati na rin mga kapwa ko Filipino. Ito po ang aking sinabi: “The local government of Bacoor is more than proud to host the first ever WGI Philippines as it promises a new level of cultural awareness and an appreciation for the arts for our young Filipinos…[W]e promise to create an unforgettable spectacle for the Philippine marching band community as we bring them closer to their contemporaries from all over the world.”

Sa BIMC, ating napatunayan bilang mga Bacooreño na pwedeng-pwede na tayo makipagsabayan sa mundo pagdating sa marching bands at paghohost ng isang napaka-engrandeng patimpalak at pagdiriwang ng natatanging pagkakakilanlan ng mga Bacooreño.

Ang ating pakikipagtulungan sa Winter Guard International (WGI) at sa Asian Marching Band Confederation (AMBC) para maisakatuparan ang BIMC ay nagdulot ng ibayong karangalan at dimension sa kauna-unahang kampeonatong pang-marching sa bansa.

Ang tatlong dibisyon ng WGI sa color guard, wind group at percussion ensemble ay mas pinatingkad pa ng mga Marching Show Band, Street Parades, Drumline Battle at Brassline Battle.

Sa Brassline Battle Open Class ay ipinanalo ng Sarabun Brasss Theater by Sarawittay ng Thailand. Ang grupo ring ito ang nanalo sa Street Parade Open Class.

Galing din sa bansang Thailand ang kampeon sa Drumline Open Class na Big Shell Drumline. Ang mga bandang Filipino naman ay itinanghal na kampeon sa Marching Show Band. Ang kampeonato ay napunta sa Citizens Brigade Band ng Dasmariñas at ‘di nagpahuli ang City of Bacoor Youth Composite Band na mula sa Lungsod ng Bacoor.

Tumagal ng tatlong araw ang BIMC mula Hunyo 22 hanggang 24 at ginanap sa iba-ibang venues sa Bacoor, Pasay at Manila.

Naging Virtual ang BIMC

Nagpatuloy pa ang ‘di matawarang tagumpay ng BIMC dahil sa sumunod na taong 2019 ay mas lalung dumami pa ang mga bandang gustong makibahagi sa ating patimpalak.

Ang naunang bilang na 34 na bandang sumali noong 2018 ay lumago pa sa 59 bands. Ang pagdami ng mga kalahok ay isang magandang senyales na ‘di lang matagumpay ang BIMC kundi pumukaw din ito sa kamalayan at pagnanais ng ibang marching bands sa bansa na ipakita ang kanilang kahusayan sa musiko at mga creative routines.

‘Di inaasahan ng lahat ang mabilis na pagkalat ng corona virus 2019 sa mga unang buwan ng taong 2020. Ang ating national government ay biglaan nagpatupad ng mga lockdowns sa pamamagitan ng enhanced community quarantines (ECQ) sa unang bahagi ng taon.

Literal na tumigil ang mundo ng mga Filipino. Ang lahat ay pinagbawalang lumabas at mahigpit na pinatupad ang mga health protocols. Hindi naging madali ang lahat at mas lalung nahirapan ang karamihan sa atin na mag-adjust sa “new normal.”

Pero tayo sa City Government of Bacoor ay ‘di naglockdown sa trabaho. Agad nating binuo ang Task Force Against COVID-19 para makabuo agad ng mga polisiya at mga hakbang para maibsan ang hirap na dinadanas ng mga Bacooreño at higit sa lahat maipaabot ang mga kinakailangan tulong at ayuda para sa kanila.

‘Di dahil pandemya ay titigil ang pagiging malikhain at likas na maparaan ng mga Bacooreño. Sa kabila ng mga lockdowns, mas napaibayo ang paggamit ng teknolohiya at mga virtual na pagtatagpo ng mga magpapamilya at ng ating kababayan.

Kaya minabuti kong iminungkahi sa ating Bacoor Tourism Office at agad naman nilang pinagsumikapan na maging isang realidad ang ating proposal. Sa pangunguna ni Tourism Officer Edwin Guinto sampu ng kanyang maasahan na team sa Tourism Office ay tuloyang naging virtual ang engrandeng kaganapang ito. Matagumpay na ginanap ang kauna-unahang virtual competition ng BIMC.

Virtual BIMC 2021

Sa pangalawang pagkakataon ay virtual na idinaos ang Bacoor International Music Championship.

Ngayong taon nasa 400 entries ang ating natanggap mula sa Australia, Canada, Germany, Guatemala, Indonesia, Japan, Malaysia, Mexico, The Netherlands, South Korea, Sri Lanka, Taiwan, Thailand, United States, at di pahuhuli ang ating sariling bansa, ang Pilipinas.

Ang Bacoor International Music Championship ay ginaganap na may pahintulot at suporta mula sa Asian Marching Band Confederation: The Marching Arts Power of Asia, pati na rin ng World Marching Band Organization.

Tayo ay nakikipagtulungan din sa Bacoor Marching Band Association, Color Guard Alliance of the Philippines Inc, Philippine Drum and Lyre Associates Inc, Philippine Marching Band Association, Philippine Baton Twirling Association Inc, and Drumlines of the Philippines.

Dahil sa natatanging ambag ng BIMC para mas maipakalat pa at maging malawak ang pagtanggap, itinuturing na isang qualifying competition para Asian Music Games 2021 ang tunay na Bacooreñong patimpalak na ito.

Ang Color Guard Alliance of the Philippines Inc ay ating maaasahang kaagapay sa CGAP SPINFEST na tinaguriang Grandest Color Guard Virtual Competition.

Sila rin ang unang organisasyong itinatag para sa pagpapalakas ng color guards dito sa ating bansa.

Para sa hindi pamilyar, ang color guard ay ang paggamit ng mga makukulay na watawat tulad ng swing flag o tapered flag para mas magbigay ng kaaya-ayang tanawin habang tumutugtog ang mga nagmamartsang banda.

Ang masaya, makulay at puno ng sigla na tunggaliang ito ay bukas para sa Junior, Senior at Open Classes of Solo Flag, Solo Rifle, Solo Movement, Solo Mixed Equipment, Color Guard Duo at Color Guard Ensembles Categories. Ito ay isang kabahagi ng mas malaking BIMC.

Nasa 39 na siyudad sa buong mundo ang nagpakitang gilas sa CGAP SPINFEST 2021.

Sa totoo lang po, labis ang aking tuwa at mangha sa dami ng kapwa ko Bacooreño at Filipino na sumali sa kadahilanang gustong maipakita ang kanilang angking talento at ipamalas ang kanilang kahusayan sa larangang ito.

Nakakataba po ng puso ang inyong pinakitang suporta sa BIMC at sa Lungsod ng Bacoor sa kabila ng ating nararanasang pandemya. Kung lubos nating iisipin, ang pagsasali sa BIMC ay isang outlet para sa ating mga kababayan at mga kaibigan abroad na hindi tayo magpapatalo sa virus na ito. panahon na lumaban at ipakita na may magagawa tayo para sa ating mga sarili at talento sa kabila ng walang kasiguruhan na dulot ng mga mga community quarantines at mga alert status.

Ang tagumpay ng BIMC 2021 ay produkto at patunay na buhay ang bayanihan. Na tayong mga Filipino, kasama na ang mga kaibigan natin sa ibang bansa, ay tunay na nagsasama-sama at nagtulong -tulong. Noong nakaraang taon, ating ipinagdasal na gumaling ang lahat na tinamaan ng COVID-19 at patuloy pa rin ang ating pagsusumamo sa Maykapal na pakinggan ang ating panalangin para sa katapusan ng pandemya.

Mula sa paggaling ay gusto nating maibalik ang dati. We need to recover. Mahigit na kinakailangan na makabawi ang ating ekonomiya para sa kapanatagan at katiwasayan ng lahat.

Sa BIMC, ating ipinakita ang ating pagiging Filipino- sadyang masayahin. Isang katangian na likas sa ating mga kababayan.

Hindi kailanman magiging hadlang ang pandemya para tayo ay magsaya at ipakita na hindi tayo nagpatalo at ‘di mananaig ang corona virus sa mga Filipino lalu na sa mga Bacooreño.

Ngayon buwan, ating ipinagdiriwang ang ating sesquarcentennial o 350 taon mula ng pagkakatatag ng Bacoor na hango sa “Bacood.” Sa kadahilanang ‘di magbigkas ng maayos ng mga sundalong Kastila ay nagbunga ng isang pangalan ng bayang hitik sa ganda, halina, kaunlaran kasaysayan at pagsulong.

Simula 1671 magpasahanggang ngayon, ang musika ay hindi kailanman nawala sa puso at pagkakakilanlan ng mga Bacooreño.

Ang BIMC ay isa lamang sa 350 na rason ng ating pagsasaya bilang Bacooreño! Isang tunay na pagbabalik-tanaw para sa pagsulong at tuloy -tuloy na pagyabong.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *