Gamot kontra COVID babaha sa ‘Pinas

Gamot kontra COVID babaha sa ‘Pinas

Inaprobahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang generic drug ng Tocilizumab at Baricitinib sa hangarin na maparami ang supply ng gamot laban sa coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Ang Tocilizumab at Baricitinib ay parehong gamot kontra arthritis pero natuklasang mabisa rin kontra COVID-19 kaya in demand ito sa buong mundo, pati na sa Pilipinas.

Nagkaroon ng kakulangan ng supply nito sa merkado kaya nauso ang patagong bentahan. Ang SRP ng Tocilizumab ay nagkakahalaga ng P25,000 pero may mga ulat na ibinebenta ito sa black market hanggang P100,000.

“Fortunately, mayroon na po tayo ngayong na-approve na mga generic na counterparts po nitong mga gamot na ‘to para po mas marami na ang ma-import dito sa atin and at the same time, nakapag-invite pa po tayo ng ibang mga applicants,” wika ni FDA director general Eric Domingo.

“So mayroon po kami ngayong ine-evaluate pa na iba pong possible na supplier po ng gamot na ito para ma-import po dito sa atin galing sa ibang bansa.” dagdag pa ng opisyal.

Tiniyak naman ni Domingo na hindi kakapusin ng supply ng medical grade oxygen sa bansa, pero para makasiguro ay minamadali na rin ng FDA ang pagbibigay ng permit sa mga pagawaan ng oxygen.

“Para rin po sigurado lang tayo sa supply, ine-expedite po natin ngayon ‘yung approval, tinutulungan po natin ‘yung mga oxygen plants para po makapagmanufacture po nang mas marami. May isa pong malaking kompanya dito po sa Calamba na malapit na po nating malisensyahan para po madagdagan ang supply dito po sa Luzon.” ayon sa FDA chief.

Sisimulan na rin, aniya, ang oxygen manufacturing plant ng Western Visayas Medical Center upang masiguro ang supply ng oxygen sa Visayas. Samantala, sa Mindanao naman ay nagbukas na ang oxygen plant sa ospital sa Dapitan at inaayos na rin ang planta ng oxygen sa ospital sa Zamboanga del Sur at Isabela, Basilan.

Hinggil naman sa paggawa ng COVID bakuna sa Pilipinas, sinabi ni Domingo na nakikipag-usap pa ang Task Force on Vaccine Sustainability sa mga manufacturer sa abroad para magkaroon ng technology transfer sa bansa.

Ang task force ay kinabibilangan ng DOH, Department of Science and Technology (DOST), Department of Trade and Industry (DTI) at FDA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *