Blue Ribbon tinawag na kangaroo forum! Topacio umepal, Pharmally exec atras sa pagkanta

Blue Ribbon tinawag na kangaroo forum! Topacio umepal, Pharmally exec atras sa pagkanta

Umatras na si Pharmally Pharmaceutical Corp. director Linconn Ong sa pagsalang sa executive session o closed door meeting sa mga senador kaugnay sa alingasngas sa biniling medical supplies ng gobyerno sa nasabing kompanya.

Sa sulat kamay na liham na ipinarating sa komite, binanggit dito ni Ong na hindi na siya pumapayag na sumalang sa executive session dahil sa payo ng bago niyang abogadong si Ferdinand Topacio.

“I regret to inform you that, acting upon the advice of counsel, I’m declining your kind invitation for me to participate in the executive session regarding the matter under investigation,” ayon sa detinadong opisyal ng kompanya.

Binanggit naman ni Topacio na hindi nagiging patas ang komite sa kanyang kliyente kaya pinag-iisipan na nila na huwag nang makipagtulungan sa imbestigasyon.

“This is a kangaroo forum. The Blue Ribbon, not all ha? Some members of the Blue Ribbon committee are not out to get the truth. They’re out for blood. Kaya naman unfair sa kliyente ko kung siya ang gagawing pawn, gagawing sacrificial lamb para makakuha ng dugo,” patutsada ng abogado.

Si Ong ay kinulong sa Senado dahil sa paligoy-ligoy nito sa detalye kung magkano ang ibinigay na puhunan ni dating presidential adviser Michael Yang sa kompanya. Dahil dito, itinulak ng mga senador na ilipat siya sa Pasay City Jail o New Bilibid Prison kaya napilitan ang opisyal na pumayag na magsabi sa pamamagitan sana ng executive session.

Sabi ni Senador Panfilo Lacson, nakiusap pa si Ong na kunin sa kanyang bahay ang mga dokumento hinggil sa perang pinaluwal ni Yang.

“Nakiusap siyang kunin ang kanyang mga dokumento para accurate daw ang mga numero na sasabihin niya, like kung magkano ang in-advance na pera ni Michael Yang at kung magkano ang ibinalik niya sa bawat transaction ng Pharmally sa PS-DBM,” paglalahad ni Lacson.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *