Maging mapanuri sa Pharmally deal ng government

Maging mapanuri sa Pharmally deal ng government

Sa totoo lang may mga impresyon na hindi lamang mga political personality ang hayagang sangkot sa palitan ng mga maiinit na pananaw hinggil sa mga kontrobersyal na usapin ngayong nararamdaman na ang klima ng politika sa bansa.

Habang abala ang Senate blue ribbon committee sa pag-iimbestiga sa controversial multi-billion contracts na ini-award sa Pharmally Pharmaceutical Corp., nagsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang House committee on good government and public accountability na pinamumunuam ni Diwa Partylist Rep. Michael Edgar Aglipay sa pareho ring isyu.

Sabi ni Senator Panfilo Lacson :”Its quite obvious na yung House, allies ng Palasyo . And it’s now doing everything it can to, not really divert the issue, but they’re even hitting the Senate’s investigation.” Dagdag pa ni Lacson, naibasura na ang inter-parliamentary courtesy ng ilang mambabatas sa Kamara na pumupuna sa imbestigasyon ng Senado na aniya’y layon lamang protektahan ang interes ng Malacañang. Ipinagtataka ni Lacson ang mga kakayahang umano’y layong protektahan ang Malacañang gayong wala namang concrete evidence na mag-uugnay kay Pangulong Duterte sa transaksyon ng Pharmally sa pamahalaan. Giit ng Senador “Being an investigator I always go by evidence. We can always speculate based on circumstances. But at the end of the day pinag-uusapan natin dito ano ang evidence.”

Samantala, nilinaw ni Cong. Aglipay sa pagsisimula ng pagdinig ng House panel bagama’t hindi niya nilalayong wakasan ang pagsisiyasat ng Senado, maging parehas naman ang mga senador sa mga resource persons. “Do not get me wrong, I do not want the Senate hearings to stop, to the credit of my fellow parliamentarians, the Senate has been working hard. However, it is my humble preference for our good senators to be fair in conducting their investigation and to let the witnesses speak freely”, dagdag pa ni Aglipay.

Diin pa ng party-list solon na malinaw sa kanilang huling pagdinig sa pagdaraos ng inquiry na hindi papayagan ang mga tanong na “out of context” at hindi saklaw ng inquiry. Umaasa rin si Aglipay na mauunawaan ng publiko at kapwa mambabatas kung bakit nila ginagawa ang imbestigasyon dahil naniniwala silang ang komite ay pagmumulan ng katotohanan at hustisya.

Nilinaw din ng kongresista na ang kanilang ginagawang imbestigasyon ay hindi isang witch hunt o fishing expedition nguni’t isang congressional inquiry na ginagawa sa paraang propesyonal.

Sa totoo lang may ilang impresyong nilikha na ang imbestigasyong ginagawa ng Senado ay may intensyong sirain ang imahen ng pamahalaaan at ilang public officials at pagtatanggol naman dito ang ginawang parallel investigation ng Kamara.

Bagama’t masasabi nating buhay ang demokrasya sa mga sagutang ito ng mga kinatawan ng Kamara at Senado hinggil sa kontrobersyal na usapin sa paggamit ng pondo ng pandemic response, nanganganib din sa usaping ito ang pagtuklas ng katotohanan at pag-iral ng hustisya, lalo pang paghahati ng mga Filipino dahil nagiging emosyonal ang damdamin at pagtingin ng ilang sektor sa usapin.

Para sa inyong lingkod, may mga indikasyon na ang usaping ito ay naging sagutan ng Kamara at Senado at nagamit ang institusyong ito ng lehislatibo sa layuning politikal ng ilang politiko na taliwas sa tunay na mandato nito na itinatakda ng Saligang Batas.

Gayunman, para higit na mabigyan ng pansin ang interes ng mamamayan at hindi ang interes ng iilan politiko o kampo, hindi dapat na maging emosyonal sa usaping ito at lumayo sa partisan politics para higit na magiging epektibo tayo sa pagtuklas ng katotohanan at maisilbi sa mayorya ng mamamayan ang hustisyang kinakailangan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *