SSS contribution hike pinahihinto kay Didong

SSS contribution hike pinahihinto kay Didong

Umapela ang sampung business at labor groups kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpalabas ng Executive Order (EO) upang matigil na ang umento sa buwanang kontribusyon sa Social Security System (SSS).

Sa isang kalatas nitong Miyerkoles, binanggit ng grupo na kailangan ng EO upang maipatupad ang pagpapaliban ng SSS contribution hike sa ilalim ng Republic Act 11548 na nilagdaan ni Duterte noong Mayo.

Nakapaloob sa RA 11548 na binibigyan ng kapangyarihan ang Chief Executive na ipagpaliban ang umento sa SSS premium contributions habang ang bansa ay nasa state of calamity dulot ng COVID-19 pandemic.

“However, four months after the enactment of the law, the Executive Order implementing the Act has yet to be issued, even as the higher SSS premium already took effect last January 2021,” ayon sa grupo.

Mula 12 percent, tumaas sa 13 percent ang kontribusyon ng mga miyembro ng SSS noong Enero 2021.

“It is in this light that we are constrained to write (to) the President for urgent action on this pending request for the deferment. We have yet to fully reopen and many have already lost their income sources either permanently or temporarily,” ayon pa sa kanilang statement.

Pinaliwanag ng grupo na hindi lang ang mga manggagawa, kundi ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang makikinabang kapag pinigil ang mataas na buwanang kontribusyon sa SSS.

Kabilang sa mga grupong nanawagan kay Pangulong Duterte ay ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employers Confederation of the Philippines, Philippine Exporters Confederation, Inc., Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Trade Union Congress of the Philippines, Federation of Free Workers, Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, at Partido Manggagawa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *