Hindi lang ekonomiya at ayuda, dapat hustisya rin

Hindi lang ekonomiya at ayuda, dapat hustisya rin

Kasama ng pagsusulong ng pagbangon ng ekonomiya at pag-ayuda sa mahihirap na pamilyang Filipino, napakaimportante rin na masiguro ang patuloy na paggulong ng hustisya sa bansa sa harap ng lumalalang pandemya.

Kung hindi umuusad ang court cases noong pre-pandemic, ano pa kaya ngayong may mga limitasyon sa halos lahat ng mga aktibidad natin?

Wala na ngang makain ang marami sa atin, hindi pa natin makamit agad ang katarungan laban sa sinumang nakagawa ng pagkakamali sa atin. Hindi ba’t may legal maxim na “justice delayed is justice denied”?

Napapanahon ang pag-aksiyon ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ukol dito.

Sa kanyang speech sa online celebration para sa 60th founding anniversary of the Philippine Constitution Association (Philconsa) noong Sunday, inihayag ni Gesmundo na nakatutok siya sa agarang pagresolba ng mga nakabinbing kaso sa mga hukuman sa buong bansa at sa paglikha ng tinatawag niyang “technology-driven judiciary.”

Parte ang mga ito ng five-year plan ng chief justice na nakatakdang mag-retire sa November 6, 2026 kung kailan siya’y 70 years old na at siyang mandatory retirement age para sa mga mahistrado ng kataas-taasang hukuman.

Sinabi ni Gesmundo na nakagawa na siya ng mga hakbang upang masunod ang constitutional mandate na pagresolusyon sa mga kaso sa loob ng dalawang taon at kanyang isinasaprayoridad ang paglutas sa mga kasong kinasasangkutan ng juveniles, senior citizens, at kababaihan.

Pinatututukan din niya maging ang mga kaso na may kinalaman sa government infrastructure projects, expropriation, at pati na ang mga kasong may malaking epekto sa iba’t ibang negosyo.

Binigyang-diin ni Gesmundo sa kanyang talumpati sa harap ng mga opisyal at miyembro ng Philconsa na makatutulong sa pag-decongest ng mga kaso sa korte ang pagkakaroon ng judiciary ng isang information and communications technology infrastructure. Kabilang sa imprastruktura ang E-Court System at Judiciary ePayment Solution na parehong magpapabilis sa court workflow processes.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *