Isko pinasara mga sementeryo sa Undas

Isko pinasara mga sementeryo sa Undas

Lahat ng sementeryo sa lungsod ng Maynila ay muling isasara sa Undas dahil na rin sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Nilagdaan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso noong Miyerkoles ang Executive Order No. 33 para pansamantalang isara ang Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, at Manila Muslim Cemetery mula October 29 hanggang November 3 sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa bansa.

“In order to sustain the city’s efforts in containing the spread of Covid-19 and to prevent an imminent Covid-19 super spreader event, there is a compelling need to avoid the influx of people in memorial parks, cemeteries, and columbaries immediately before, during, and immediately after All Saints’ Day and All Souls’ Day celebration,” ayon sa nilalaman ng kautusan.

Base sa Proclamation No. 1218 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang panahon ng state of calamity dulot ng COVID-19 ay pinalawig mula Sept. 13, 2021, hanggang Sept. 12, 2022, maliban kung maagang bawiin.

Sa nasabing proklamasyon ay inaatasan din ang mga local government units (LGU), gayundin ang mga ahensiya ng gobyerno na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng kaukulang hakbang para mapigil ang pagkalat ng coronavirus disease sa kanilang nasasakupan.

Tiniyak naman ng city government na tuloy pa rin ang burol at cremation sa mga namatay na walang COVID sa panahon ng Undas pero kailangang mahigpit na susunod sa minimum public health standards at social distancing.

Wala pang anunsyo ang Marikina City at Parañaque City government kung saan matatagpuan ang malalaking sementeryo sa Metro Manila at palaging sanhi ng trapik kapag undas.

Noong nakaraang taon, nagkasundo ang mga alkalde sa National Capital Region na isara ang mga sementeryo sa panahon ng undas.

Sabi pa ni Metro Manila Council Chairman at Parañaque Mayor Edwin Olivarez, lahat ng 17 alkalde sa Metro Manila ay nagkasundo sa unified policy na huwag payagan ang pagbisita sa mga pampubliko at pribadong sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4.

Ang mga bibisita naman sa sementeryo bago sumapit ang Oktubre 29 o pagkatapos ng Nobyembre 4 ay kailangang magsuot ng face masks at face shield.

“We encourage them to visit the cemetery on a spread time. One month before or one month after Undas para ma-implement pa rin po ang ating physical distancing,” panawagan pa ni Olivarez noon.

Hindi pa mabatid kung ito rin ang ipatutupad ngayong taon.

Matatandaan na pinahintulutan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hindi pagdadala ng face shield sa labas ng bahay maliban na lamang kung papasok sa establisiyimento o pasilidad, matataong lugar o kaya ay dikitan ang mga tao kung saan kinakailangan pa rin ang pagsusuot ng face shield.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *