Yasmien binagyo sa gubat

Yasmien binagyo sa gubat

Ibinahagi ng Kapuso actress na si Yasmien Kurdi sa kanyang YouTube channel ang karanasan nila ng kanyang pamilya habang binabagtas ang madilim na daan patungo sa Camp Jony, Sitio Binayoyo, San Jose, Antipolo City.

Kasama ni Yas ang mister na si Rey Soldevilla, Jr., anak na si Ayesha Zara at ilang mga kaibigan papunta sa Camp Jony, na mas kilala sa pangalang The Camp at Binayoyo Hills at dinarayo talaga ng mga mahilig sa trekking, hiking at camping.

At dahil mahilig ang pamilya ng aktres sa mga outdoor activity, perfect sa kanila ang lugar na ‘yon.

Kuwento ng isa sa bida ng ‘Las Hermanas’ ng GMA-7, struggle daw talaga kung paano sila nakarating sa nasabing lugar. At sa kanilang masaya at exciting na trekking on the way to the camp, inabutan sila ng dilim at ‘binagyo’ sa gitna ng gubat.

“Medyo mahirap lang talaga ang trekking, pero fun naman ito,” sambit ni Yas sa kanyang vlog.

“Actually, masaya ito dahil minsan lang namin ma-experience as a family na parang paano kayo magtutulungan para malagpasan ninyo ‘yong trail. Ang taas ng adrenalin namin kagabi (naganap ito no’ng first week ng September) na parang ‘Uy, kailangang focus of mind’ para makita natin ‘yong daan, para hindi tayo mag-slide,” kuwento ni Yas.

Fulfillment ito para kay Yas at sa kanyang pamilya. Nagsilbi rin itong bonding time nila ng kanyang asawa at unica hija.

“Alam kong matagal-tagal na rin tayong na-stuck sa ating mga bahay. At dahil sa nangyari (pandemic), I guess, mas na-appreciate natin ‘yong nature. Karamihan sa atin, gusto ng nature tripping tulad namin nina Pangga (her husband) at Ayesha, kaya kami pumunta rito.

“Ang sarap huminga, COVID-free, walang tao, social distancing talaga tayo from everyone!”

At least, kahit nahirapan sila sa pagpunta sa lugar na ‘yon ay nakapag-enjoy naman sila! (Lito Mañago)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *