Plataporma sa pagbangon

Plataporma sa pagbangon

Mabigat ang kinakaharap na pagsubok ng mga mahahalal sa papalapit na halalan, lalo na ang mga nasa pamahalaang lokal.

Bukod sa nandyan pa rin ang banta ng pandemya, ang dapat mas pagtuunan ng pansin ng mga susunod na lider ng bawat lokalidad sa bansa ay kung paano mas makababangon ang lokal na ekonomiya na lubhang sinalanta ng pandaigdigang krisis na kinakaharap sa kasalukuyan.

Ang halalan sa 2022 ay hindi na labanan dapat kung sino lamang ang mas sikat sa isang bayan, lungsod o lalawigan, kundi kung sino ang mas may konkretong plano at solusyon upang muling iahon ang buhay ng kanilang mga nasasakupan sa panahon ng pagbangon.

Marahil ay nagsisimula na nating maramdaman ang muling pagbubukas ng ekonomiya dahil sa unti-unting pagluluwag na ginagawa ng pambansang pamahalaan, subalit sa oras na tuluyang makamit ang tinawag na “heard immunity,” hindi pa rin masasabing pwede na agad bumalik sa tinatawag na “Business As Usual” na sitwasyon.

Magiging matrabaho ang mga susunod na taon para sa mga lokal na opisyal dahil sa sosyo-ekonomikong pinsalang dulot ng pandemya na posible pang palalain ng pagkakaroon ng limitadong kita para sa mga lokalidad dahil maraming establisimyentong nagbabayad ng buwis ang posibleng hindi na muling magbukas dahil sa mga nagdaang lockdown na dulot ng COVID-19.

Tinatayang posibleng magiging mailap ang kita para sa mga local government units (LGUs) sa susunod ng dalawa hanggang tatlong taon.

Ang pakiusap lang ng inyong lingkod sa mga nagbabalak mahalal at magsilbi sa kani-kanilang lokalidad ay pagtuunan ng pansin at muling maingat ang antas ng pamumuhay sa lebel bago pumasok ang COVID-19.

Lugmok tayo sa ating naging karanasan sa COVID-19. Dapat mai-angat na ulit, hindi lang maging normal ang buhay natin kundi maging ang susunod na salinlahi—si mayor dapat doon nakatutok. Si vice mayor doon din nakatutok, at maging si si governor, si vice governor, si konsehal, at bokal.

Hindi naman dapat mangamba kung sakaling kapusin sa kita ang mga LGUs dahil posible itong mabigyan ng solusyon kung maipapatupad lamang ng tama ang tinatawag ng “Mandanas Ruling” ng Korte Suprema.

Malinaw sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman noong 2018 na ang magiging basehan ng ilalaan na Internal Revenue Allotment (IRA) sa mga LGUs ay ang kabuuan ng nakolektang buwis sa buong bansa at hindi lamang batay sa National Internal Revenue Taxes (NIRT).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *