Bianca Umali 13 oras pumila makapagparehistro lang

Bianca Umali 13 oras pumila makapagparehistro lang

ni ROMMEL GONZALES

Labingtatlong oras na pumila si Bianca Umali para makapagparehistro para sa nalalapit na eleksiyon sa Mayo, 2022.

Sa pamamagitan ng kanyang Instagram account (na may mahigit 3M followers) ay ibinahagi ng Kapuso actress ang boomerang video at mga litrato niya habang ipinakikita ang mga daliri niyang markado ng tinta bilang pagpapatunay na nakapagparehistro na siya.

Ani Bianca, “Mula alas tres ng umaga, na nagsimula ang araw namin, hanggang alas quatro ng hapon na natapos namin ang lahat lahat – sa wakas, isa na akong ganap na rehistradong botante. Ang sarap sa puso!”

Pinaalalahanan ni Bianca ang publiko na ang pagboto ay karapatan at responsibilidad ng bawat mamamayang Filipino.

“Ang pagboto natin tuwing eleksiyon ay nagpapakita ng ating pakikilahok sa paghangad ng magandang kinabukasan hindi lamang para sa ating mga sarili, kundi para sa buong bansa,” pahayag pa ng Legal Wives actress.

“Ito ay ating karapatan at kailangang gampanan. Tungkulin at pananagutan natin ito bilang mga Filipino.”

Kasama ni Bianca ang kanyang pinsang si Samantha na ipinagmamalaki rin ni Bianca dahil sa hakbang na ginawa nito na magparehistro rin.

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, sinabi ni Bianca na umaasa siya na makapagbibigay pag-asa at inspirasyon siya sa mga tao para magparehistro at siyempre, ang bumoto.

“Sama-sama nating mahalin ang Pilipinas, bumoto tayo,” ang huling pahayag ni Bianca na nilagyan niya ng hashtag na #RegisteredVoter, #ParaSaPilipinas and #PHElections2022.

Ginagampanan ni Bianca sa Legal Wives ang isa sa tatlong asawa ni Dennis Trillo (bilang Ismael Makadatu) si Farrah Balindong. Kasama niya rito sina Andea Torres at Alice Dixson.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *