Humarang sa away tinodas

Humarang sa away tinodas

Maagang natuldukan ang buhay ng isang 23-anyos na binatang construction worker makaraang gumitna ito sa away at harangin ang tumatakas na lalaking nanaksak sa kanyang pinsan sa Barangay Sta. Lucia, Novaliches Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.

Naisugod pa sa pagamutan pero namatay habang ginagamot ang biktima na nakilalang si Sofronio Chan Melchor, 23, binata, construction worker at residente ng Bukanig St., Barangay Sta Lucia Novaliches.

Sugatan naman sina Julius Chong Tan, 43, may asawa, driver, at naninirahan sa Dela Cruz St., Sta Lucia, Novaliches, at Danilo Leyson Barrina Jr., 20, binata, stock clerk at residente ng J.P. Rizal St., Brgy., Sta Lucia. Kapwa naka-confine ngayon sa Quezon City General Hospital ang sugatang mga biktima.

Pinaghahanap na ng pulisya ang tumakas na suspek na si Frenz Manuel Tan, t residente ng Dela Cruz St., Barangay Sta Lucia. Pinsan naman umano ito ng biktimang si Julius.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), naganap ang insidente bandang alas-12:00 ng madaling araw kahapon, Oktubre 4, n sa Interior-19 Brgy, Sta. Lucia, Novaliches.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Jerome Mendez, nag-iinuman sina Julius at Danilo kasama ang testigong si Vincent Llantos nang dumating ang suspek na si Frenz at sa hindi malamang dahilan ay hinamon ang kanyang pinsan na magduwelo sila sa kutsilyo.

Hindi naman umano pinatulan ni Julius ang pinsang si Frenz at pinayuhan itong umuwi na lamang. Makalipas ang ilang minuto ay nagbalik ang suspek at sa pagkakataong ito ay armado na ito ng patalim.

Nagulat na lamang ang tatlo nang saksakin ng suspek si Danilo kaya agad na umawat si Julius subalit inundayan din ito ng saksak ng pinsan.

Nang makitang duguan na ang mga biktima ay tumakas ang suspek patungong M. Aquino St., pero hinabol ito ni Llantos habang sumisigaw at humihingi ng saklolo.

Narinig naman naman umano ng biktimang si Melchor na noon ay nakaistambay sa eskinita ang paghingi ng saklolo ni Llantos kaya nang papalapit na sa kanya ang suspek ay hinarang niya ito. Gayunpaman, sinaksak ito ni Frenz sa dibdib bago nagmamadaling tumakas.

Agad namang isinugod ni Llantos si Melchor sa Metro North Medical Center subalit binawian din ito ng buhay bandang alas-3:14 ng madaling araw.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *