Sindikato sa gobyerno bubuwagin namin – Ping

Sindikato sa gobyerno bubuwagin namin – Ping

Pormal na naghain nitong Miyerkoles ng certificate of candidacy para sa 2022 presidential at vice presidential elections sina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Sa isang talumpati, ipinagmalaki ni Lacson na ang kanilang tandem ay may “Kakayahan, Katapatan, Katapangan,” mga katangiang kinakailangan para maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa ating pamahalaan.

“Kahit minsan hindi tumanggap ng suhol kapalit ang serbisyo publiko – nananatiling walang bahid ng korapsyon ang siya naming gagamiting pinakamabisang armas upang buwagin ang mga sindikato sa loob at sa labas man ng gobyerno,” diin pa ng senador na tatakbo sa ilalim ng Partido Reporma.

Ipinangako ng Lacson-Sotto tandem sa taumbayan na isang disiplinadong burukrasya ang kanilang paiiralin, kabilang na ang maayos na paggastos ng pambansang badyet upang makaabot ang biyaya at kaunlaran sa mga liblib na lugar ng bansa. Marapat lamang, aniya, na mauna ang kapakanan ng higit na nakararaming Filipino.

“Taos-puso kong iniaalay ang huling yugto ng aking paglilingkod sa ating Inang Bayan, sa aking mga namayapang magulang na siyang nagmulat at gumabay sa aming magkakapatid – na kahit kapos sa yaman at salat sa buhay, ang tuwinang tagubilin nila ay hindi dapat maging hadlang ang kahirapan sa pagtulong sa kapwa – lalo na sa mga kapus-palad,” saad ni Lacson.

“Ang tama ay ipaglalaban, ang mali ay lalabanan” – isang personal na kredo na aking sinusunod na pamantayan sa mahabang panahon ng aking panunungkulan bilang isang sundalo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, isang alagad ng batas at hepe ng Pambansang Pulisya, Presidential Assistant ng dating Pangulong Benigno Aquino III, at Senador ng Republika,” pagmamalaki ng senador.

Idinagdag pa ni Lacson na panahon na upang ibalik ang dignidad at respeto sa sarili ng bawat Filipino sa loob at labas ng bansa at mangyayari lamang ito kapag ang namumuno ay matino at nirerespeto.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *