Tindero ginulpi na, sinaksak pa

Tindero ginulpi na, sinaksak pa

Nalagay sa peligro ang isang 37-anyos na vendor makaraang mapagtripang gulpihin at saksakin ng isang grupo ng kalalakihan sa Malabon City kamakalawa.

Ang biktima ay nakilalang si Carlos Basia, 37, residente ng Barangay Longos, Malabon City. Nagtamo ito ng saksak sa kaliwang balikat, mga pasa sa mukha at katawan.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:30 ng gabi, nang lumabas ng bahay si Basia para lamang bumili ng milk tea. Habang naglalakad ay nakasalubong uman nito ang isang grupo ng mga suspek.

Isa umano sa mga ito ang narinig ng biktima na nagsalita ng: “Yan yung sumita sa atin ah,?”

Kasunod nito, sinugod at kinuyog ng mga suspek ang biktima. Hindi pa nakuntento sa pambubugbog, kumuha pa ang isa sa mga suspek ng bote ng alak saka ito binasag at isinaksak sa biktima.

Hindi mabilang na suntok at tadyak ang inabot ng biktima hanggang sa tuluyan na itong mahandusay sa semento.

Huminto lamang umano ang mga suspek nang may sumigaw na taga-barangay kaya kanya-kanyang takbuhan na ang mga ito.

Ayon pa kay Basia, wala siyang natatandaan na sinita kaya hinala nito na nakursundahan lamang siya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *