Sino-sino ang magkikita sa finals?

Sino-sino ang magkikita sa finals?

TULUYAN nang binababoy ng matataas na opisyal ng gobyerno ang sagradong proseso ng halalan.

Ang eleksiyon ay gulugod at pundasyon ng isang demokratikong gobyerno.

NAKAKALUNGKOT isipin na ang dapat inaasahang mga lider na magpapatatag ng Republika ay siya mismong instrument upang pahinain ang pundasyon.

Kahit saan Konstitusyon, ang political exercise o mas kilala bilang eleksiyon—at tangi at matibay na depensa laban sa pagguho ng institusyong pinagbuwisan ng mga bayani.

TAPOS ang deadline ng pagsusumite ng COC sa Comelec.

Pero, ilan sa mga nagsumite ay mga “salingpusa” o nuisance na walang intensiyon na magwagi o sumalang sa patas na halalan.

Ang kanilang intensiyon ay simpleng magsumite ng COC—wala na, ganun lang.

SI Martin Diño ay ang pinakapopular na nagsumite ng COC, pero hindi naman talaga kumandidato, bagkus ay nagpapalit lang kay Digong.

Binuwenas na magwagi si Duterte, kahit hindi siya nag-file ng COC bago ang normal na deadline.

BILANG precedent, kinokopya ngayon at aktuwal na ginaya ito mismo ng kanyang mga amuyong.

Hinihinala kasi ng mga kritiko ng Malacañang na ang pagsusumite ng COC nina Sen. Bato dela Rosa at Sen. Bong Go ay may motibong “magpa-substitute” lamang at hindi para tuluyang kumandidto.

MALINAW na ang mismong Malacañang ay bahagi ng “paglalaro” sa election code.

Ang probisyon sa substitution ay hindi dapat maging normal na proseso sa pagkandidato lalo pa’t nakataya dito ang No1. At No.2 position sa Republika.

SAKALING umatras sina Dela Rosa at Go sa pagkandidato at magpapalit kay Meyor Sara—lantaran pambababoy ito sa proseso ng halalan.

Bagaman, teknikal na pinahihintulutan ito ng batas, pero ito ay malinaw na immoral at kawalang-modo sa Konstitusyon.

MAY madalas sabihin pintas ang mga Tagalog sa ilang kapitabahay nilang taga-Visayas-Mindanao area.

Walang modo.

Hindi sana ito magiging totoo sa kaso nina Dela Rosa at Go.

HINDI kasi pupuwede na ang ginawa ng ama at pwedeng gawin din ng anak.

Hindi rin mabuti na ang “abnormal na proseso” ay siyang regular na gamitin sa pag-upo sa Malacañang.

Ang tawag dyan ng mga chess player ay pang-uunggoy.

SINO ang tunay na oposisyon si VP Leni o si Meyor Isko?

Eh, ano ang tawag kina Sen. Ping at Sen. Pacquiao?

Pwede bang sabihin na pro-admin sina ex-Sen. Bongbong Marcos at Sen. Bato dela Rosa?

KUMBAGA sa sports, may elimination process na daraanan muna ang magkakabilang pangkat.

Iyan ang dahilan kung bakit nag-uupakan sina Robredo at Moreno upang palutangin kung sino talaga ang anti-Duterte.

PAG-AAWAYAN naman nina Lacson at Pacquiao kung sino talaga ang independent o walang kinakatigang kulay-pulitika.

Sa panig ni Marcos at De la Rosa ay madali lang sabihin, na maka-Digong si Bato at maka-Sarah si Bongbong.

SA madaling salita, kailangan mai-out muna ni Moreno si Robredo bilang lehitimong oposisyon o maitumba muna ni Robredo si Moreno bago makakopo ng boto mula sa mga galit sa gobyerno, muhi kay Duterte at makaresbak kay Marcos.

SA kabilang panig, aantayin natin kung sino ang paniniwalaan ng botante kung sino ang tunay na independent o “pang-gitnang kandidato.”

Sa gitna nito, inaasahang magsasanib din sa “finals” ang mga maka-Digong at maka-Sarah.

Ibig sabihin, imbes na mag-away o magsiraan—magsasanib ng pwersa sina Dela Rosa-Go at ang kampo ni Bongbong na suportado ni Inday.

HABANG lumilapit ang eleksiyon, pwedeng magsanib ang puwersa nina Robredo at Moreno.

Pero, siyempre, posibleng magsanib din ang pwersa nina Lacson at Pacquaio.

Gayunman, aantayin sila ng magkasanib na puwersa ng Duterte-Marcos.

SA kabuuan bago mag-eleksiyon, mauuwi ang hatian ng boto sa oposisyon, independent at maka-administrasyon.

Robredo versus Moreno; Lacson kontra Pacquaio; at Marcos-Duterte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *