QC umarangkada no contact apprehension sa kalsada

QC umarangkada no contact apprehension sa kalsada

Pinayuhan ng Quezon City government ang mga motorista na sumunod sa regulasyon sa trapiko dahil sinimulan na ang full implementation ng No Contact Apprehension Program (NCAP) sa lungsod noong Lunes.

Ang mahuhuling lalabag ay bibigyan ng 30 araw para bayaran ang multa, pero ayon sa city government, magkakaroon pa ng 30 araw na dry run bago maningil ng multa.

Ikinabit na sa mga strategic na lugar ang mga state-of-the-art camera na may artificial intelligence technology na awtomatikong kukuha ng larawan at mairerecord ang conduction stickers at plate numbers ng sasakyan na lumabag sa batas trapiko.

Kapag ang camera ay nakakita ng pasaway na motorista, ang system ay awtomatikong maglalabas ng Notice of Violation (NOV) na agad namang ipapadala sa city government para marebyu at aprobahan.

Oras na maaprobahan, ang pasaway na may-ari ng sasakyan ay padadalhan ng NOV sa loob ng 14 araw.

Nakapaloob sa NOV ang litrato ng motor vehicle na may timestamp sa lugar kung saan naganap ang paglabag, kalakip ang detalye ng traffic violation.

Ang mga ipaiiral na multa ay P2,000 para sa unang offense, P3,000 hanggang P4,000 sa ikalawang offense at P5,000 sa ikatlong offense, depende sa klase ng sasakyan.

Maglalagay ng mga sign kung saan nakapuwesto ang camera.

Sa isang statement, binanggit ni Mayor Joy Belmonte na ang NCAP ay magreresulta ng kaligtasan sa kalsada, maiibsan ang mabigat na trapiko at magiging disiplinado ang mga motorista.

Sa pamamagitan ng NCAP, umaasa ang city government na mahigpit na maipapatupad ang local traffic rules and regulations anumang oras at matutuldukan din ang korapsyon.

“Bawal na ang mga pasaway na driver sa Quezon City. Hindi natin habol sa programa na ito na kumita ang city government. Kapag walang natiketan, mas mabuti ito para sa lahat dahil ibig sabihin, disiplinado ang lahat ng motorista,” paliwanag ng alkalde.

Binanggit naman ni QC Department of Public Order and Safety head Elmo San Diego, bukod sa masisigurong masusunod ang traffic rules sa siyudad, malilimitahan nito ang paghaharap ng driver at enforcer na posibleng pagmulan ng hawahan sa COVID-19.

“Mawawala na ‘yung pakiusapan at ayusan,” sabi ni San Diego.

Ilang local government unit na ang nagpapatupad ng no contact apprehension upang mabawasan ang insidente ng panunuhol ng pasaway na motorista sa mga enforcer. Hindi na rin kailangan ang malaking bilang ng traffic enforcer para magbantay ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada.

Pero marami namang motorista ang umaaray sa laki ng binabayarang multa na napupunta sa kaban ng LGU.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *