Walang katapusang kaso

Walang katapusang kaso

Hindi na matapos-tapos ang kinakaharap na asunto ni Quezon Gov. Danilo Suarez.

Kung noong nagdaang taon ay kinasuhan siya ng graft, iba namang asunto ngayon ang kinakaharap ng gobernador at nadamay pa ang anak nitong si Atty. Joana Suarez sa Office of the Ombudsman.

Ayon sa grupong Citizen Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc. sa pamumuno ni Prof. Salvador Singson-de Guzman, sinampahan ng mga kasong accessory to the crime of kidnapping and serious illegal detention with rape, obstruction of justice, accessory to the crime of child abuse at paglabag sa paragraph (e) sa Section 3 ng Republic Act 3019 o anti-graft and corrupt practices act si Quezon Governor Danilo Suarez at anak niyang abogado sa opisina ng Ombudsman.

Bukod sa mga kasong kriminal, ayon kay De Guzman, sinampahan din ang mag-ama ng kasong administratibo na kinabibilangan ng Grave Abuse of Authority, Grave Misconduct, Dishonesty, Oppression, and Violation of Paragraph (a,b and c) under Section 4 of RA6713.

Batay sa dokumento, ang kaso ng mag-ama ay isinampa sa Ombudsman noong Oktobre 7, ni Rose Rosario Tapiador, 53-anyos, tindera ng balot at nanay ng biktimang si Jennyrose na kinidnap, ikinulong at paulit-ulit na ginahasa sa loob ng isang hotel sa Lopez, Quezon.

Sa affidavit-complaint ni Rosario, sinabi nitong pilit inaareglo ni Governor Suarez sa pamamagitan ng kanyang anak na si Joana ang kasong kidnapping and serious illegal detention with rape at child abuse na isinampa ni Jennyrose laban kay Councilor Arkie Yulde.

Sinabi ni Joana sa mag-ina na magbibigay si Governor Suarez ng P3-milyong cash bilang kabayaran sa kaso ni Councilor Yulde subalit hindi sila nagtagumpay dahil tumanggi si Jennyrose at nanindigan siyang “hustisya ang kailangan niya, hindi pera.’

Lubhang mabigat itong akusasyon laban kay Gov. Suarez. Mas matindi ito kumpara sa ibang reklamong isinampa laban sa kanya noong nagdaang taon.

Ganunpaman, bukas ang ating kolum para sa panig ng gobernador at ng kanyang anak. Mas mainam na magpaliwanag din si Gov. Suarez hinggil sa mga ibinabatong reklamo laban sa kanya na halata namang kagagawan ng mga kalaban niya sa politika. #

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *