Larong substitution

Larong substitution

Mahilig sa larong basketball ang mga Pinoy dahil na rin sa impluwensiya ng mga Amerikano. Lahat ng barangay, may sariling basketball court.

Mismong eskinita, tinatayuan ng half court na sakto lang sa tatluhang magkakalaban.

Ako mismo, promotor ng pagtatayo ng half court noong kabataan ko pa sa probinsiya at maging noong nanirahan ako sa isang maunlad na siyudad sa Rizal.

Kapag NBA Finals, tutok ang mga tao sa panonood lalo na noong panahon ng banggaan ng tropa ni Lebron James ng Cleveland Cavaliers at Steph Curry ng Golden State Warriors. Alam ng mga tao ang regulasyon sa paglalaro, mula sa mga tawag na foul, travelling at ang pagpapalit ng player o substitution.

Ligal ang substitution maliban na lamang kung papasok ka agad sa court na hindi magpapaalam sa table officials, tiyak papatawan ng technical ang player at may isang free throw ang kalabang koponan.

Sa politika, nagiging mainit ang usapin sa substitution dahil sa mga hinalang may secret candidate ang mga partido politikal na lalabas lamang bago sumapit ang deadline sa paghahain ng substitution. Nilalaro ang substitution para makakuha ng bentahe ang kanilang manok.

Sa ilalim ng Comelec rules, pinapayagan ang substitution kapag ang kandidato ay namatay, umatras o diniskuwalipika ng poll body. Ang deadline sa paghahain ng substitute candidate ay sa Nobyembre 15, 2021.

Pero ayon kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, kandidato sa pagka-bise presidente katambal si Senador Panfilo Lacson, inaabuso na ng ilang kandidato ang probisyon sa substitution.

“The problem in the law is the third option which is ‘when a candidate withdraws’. That is what is being abused,” paliwanag ni Sotto. “We should amend that and remove it completely. If you are not ready and unprepared, why are you running for public office?”

Agad namang naghain ng panukalang batas si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez para ipagbawal na ang substitution kung umatras ang orihinal na kandidato. Ang gusto lang ipagpatuloy ng kongresista ay ang substitution kapag namatay ang kandidato o kaya ay diniskuwalipika ng Comelec.

“While there is nothing wrong with substitution in case of death or disqualification, which is justifiable, substitution because of withdrawal, or what others call voluntary substitution, may pose serious questions and may lead to the manipulation and mockery of the election process,” katuwiran ni Rodriguez

“Withdrawals could lead the voting public to believe that the candidate who withdrew, or even the political party or substituting candidate, is not really serious,” dagdag pa niya.

Maganda ang hangarin ni Congressman Rodriguez pero ang tanong lang ay kung may sapat pang panahon para pagtibayin ang House Bill No. 10380 lalo pa’t mahaba ang bakasyon ng Kongreso sa susunod na taon upang bigyang-daan ang kampanya sa Halalan 2022.

Malabo rin itong sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ang tatamaan ay ang anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *