11K iskul dugyot

11K iskul dugyot

Duda si Senador Sherwin ‘Win’ Gatchalian kung handa na ang maraming eskuwelahan sa posibleng pagbabalik ng face-to-face classes.

Natuklasan ni Gatchalian na prayoridad ng Department of Education (DepEd) ang flexible learning sa 2022, patunay dito ang hinihinging budget na P15 bilyon.

Ang flexible learning option ay ang paggamit ng telebisyon, radyo, modules, at iba pang mga paraan ng pagtuturo habang wala pang face-to-face classes. Malaking porsyento ng naturang halaga ay ilalaan sa pag-imprenta ng self-learning modules.

Dahil sa unti-unting pagbagsak ng kaso ng COVID-19 sa bansa, umiinit ang panawagan na palawakin pa ang implementasyon ng limitadong face-to-face classes simula sa Nobyembre.

Pero ayon kay Gatchalian, hihirit pa lang ng P5.4 bilyong budget ang DepEd para gawing ligtas sa COVID-19 ang mga eskuwelahan sa bansa. Ang pondo ay ilalaan sa Basic Education Facilities, kung saan P358 milyon nito ay para sa Priority School Health Facilities tulad ng pagpapatayo, pagpapalit, at rehabilitasyon ng water systems, handwashing at toilet facilities, at iba pang health at sanitation-related facilities.

Noong School Year 2019-2020, higit sa 11 libong eskuwelahan na kinabibilangan ng 7,292 paaralan sa elementarya; 2,082 sa junior high school; at 2,085 sa senior high school na wala pa ring sapat na pasilidad para sa paghuhugas ng kamay.

Mahalaga ang paghuhugas ng kamay para makaiwas sa hawahan ng COVID-19

“Nais nating bumalik sa face-to-face classes ngunit hindi natin nakikita ito sa 2022 budget,” ani Gatchalian na siyang chairman ng Senate committee on basic education.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *