Ipagpaliban na muna sana ang pagtaas ng PhilHealth contributions ngayong buong 2022

Ipagpaliban na muna sana ang pagtaas ng PhilHealth contributions ngayong buong 2022

May mga Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) member na nagrereklamo dahil tinatanggihan daw ng mga payment center ang bayad nila sa kanilang kontribusyon dahil wala pa raw abiso ang ahensiya tungkol sa bagong rates ngayong bagong taon kung saan nakatadhana ang pagtataas ayon na rin sa Universal Health Care (UHC) Act.

Noong 2021, magiging P350 sana ang kontribusyon ng mga kumikita ng P10,000 pababa kada buwan habang P350-P2,450 naman sa mga sumusuweldo ng P10,000.01-P69,999.99 kada buwan at P2,450 sa P70,000 subalit ipinahinto muna ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa matinding epekto ng pandemya sa kabuhayan at trabaho ng mga mamamayan.

Ngayong 2022, nakatakdang maging P400 ang kontribusyon ng mga may sahod na P10,000 pababa kada buwan habang P400-P3,200 naman ang may mga suweldo na P10,000.01-P79,999.99 kada buwan. P3,200 naman sa P80,000.

Dahil dito, umaapela si Sorsogon Governor at senatorial candidate Chiz Escudero sa PhilHealth na ipagpaliban na muna nito ang pagtataas ng kontribusyon ng mga miyembro ngayong taon at kasabay ito ng kanyang panawagan sa mga kongresista at senador na magpasa ng isang batas na magsususpinde sa nakatakdang pagtaas ng kontribusyon sa ilalim ng UHC Law.

“Nasa gitna pa rin tayo ng pandemya at mukhang matatagalan pa bago magbalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao, kaya’t nananawagan ako sa PhilHealth na huwag munang magpatupad ng mandatory increase sa kontribusyon ng mga miyembro nito habang wala pang naipapasang batas na mag-aamyenda sa UHC Law,” sabi ni Escudero.

“Kung sakaling magpasya ang ahensiya na huwag nang palawigin pa ang pag-aantala sa pagtaas ng buwanang kontribusyon, milyong Pilipino ang maapektuhan at tiyak na ito ay magiging dagdag pabigat pa sa kanila,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, may mga panukala naman sa Senado at Kamara ukol sa pagsuspinde sa mga nakatakdang pagtaas ng kontribusyon pero hindi gumagalaw at nananatiling nakabinbin ang mga ito.

Nauunawaan natin na importante ang kontribusyon ng bawat miyembro ng PhilHealth dahil sa napakalaking papel ng PhilHealth sa kalusugan ng mga Filipino dahil dito nanggagaling ang pondo para sa ipinatutupad na UHC Law pero mukhang hindi pa kakayanin ng marami sa atin ang bagong pasanin habang nananalasa ang coronavirus.

Sana sama-sama tayong makahanap agad ng win-win solution.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *