Dyowa ng PBA star tiklo sa karnap

Dyowa ng PBA star tiklo sa karnap

Dinampot ng mga tauhan ng pulisya ang dalawang babae na umano’y sangkot sa sindikato ng carnapping sa ikinasang entrapment operation sa Sta. Mesa, Maynila noong nakaraang Sabado, Enero 8.

Isa umano sa mga ito ay karelasyon ng kilalang baskeball player sa bansa.

Sa ulat, kinilala ang naaresto na sina Beatrice Pia White y Espina na gumamit ng alyas na Janelle M. Consuji at si Efcel Reyes y Nonay na gumamit ng alyas na Christine Martinez. Si Beatrice o “Bea” ay sinasabing girlfriend ng isang sikat na player ng Philippine Basketball Association (PBA).

Naaresto ang dalawang babae habang tinatanggap ang marked money at boodle cash mula sa complainant na si Manuelito Larin na isang individual rent-a-car operator. Biniktima umano ng mga suspek si Larin gamit ang modus ng “rent-tangay” at nakuha ng mga ito ang Mitsubishi Mirage, model 2019 na kotse ng biktima. Ipinasa umano ng 2 suspek ang kotse sa pamamagitan ng “sangla” sa ibang ready-buyer network syndicate na kinilalang si Christopher Lapid ng Quezon City.

Ayon pa sa ulat, ang dalawang suspek ay ni-recruit at sinanay ng beteranong carnapping syndicate. Dahil magaganda at glamorosa, madaling nabola ng mga suspek ang mga biktima na kanilang hinikayat na pumasok sa rental agreement, assume-balance sale agreement at loan accommodation upang makuha ang target na sasakyan. Kapag pumayag na ang biktima at nakuha na ang sasakyan ay hindi na sila nagpapakita sa kanilang mga biktima. Nawawala na rin ang nirentahang sasakyan.

Sa kaso ng biktimang si Larin, hiningan pa umano ito ng dalawang suspek ng P80,000 kapalit ang pangakong isosoli ang kotse. Sinabihan din umano ng mga suspek ang biktima na kung hindi magbabayad ng naturang halaga ay hindi na makukuha ang kotse.

Sa sobrang pagka-stress nagdesisyon si Larin na i-post ang scam na naranasan sa FB Market Place kung saan kinontak naman siya ng isa pang nabiktima rin ng mga suspek. Nagkasundo ang mga biktima na magreport sa Highway Patrol Group (HPG) na agad pinakilos ang Task Force Limbas para plantsahin at isagawa ang entrapment.

Noong Enero 8, dakong alas-5:00 ng hapon, nasakote ng mga awtoridad sa pamumuno ni PLTCOL Joel Manuel Ana ang 2 babae na positibong kinilala ng kanilang mga biktima kabilang na sina Judith Broqueza Liao at John Ferdinand B. Ragma. Ang dalawa ay nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Article 294 (Robbery/Extortion) at Sec. 4 (Concealment of Carnapping) ng R.A. 10883 o New Anti-Carnapping Law of the Philippines at Article 178 (Using Fictitious Name and Concealing True Name). Nakadetine na ang mga suspek sa SOD-HPG (Limbas)Headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *