6 anti-vaccine rallyists sa Maynila kinasuhan

6 anti-vaccine rallyists sa Maynila kinasuhan

Inaresto at kinasuhan ang anim katao umano’y anti-vaccine matapos na magdaos ng kilos-protesta nang walang suot na face mask sa Liwasang Bonifacio, Maynila.

Kinilala ang mga nadakip na raliyista na sina Antonio Lorenzo Santillan, 29, residente ng Laguna Bel-Air, Sta. Rosa City, Laguna; Reynaldo Valeros Jr., 55, tribal leader, at Sonia Valeros, 52, deputy tribal leader, kapwa residente ng Meadowood, Executive Village sa Bacoor Cavite; Albert Muyot, 64, residente ng Olympia Village, Makati City; Christopher Samarita, 37, residente ng Sto. Nino, Meycauayan, Bulacan, at Dixie Anthony Parungao, 36, residente ng Moonwalk, Parañaque City.

Ang mga ito ay mahaharap sa kasong paglabag sa City Ordinance 8627 na nag-aatas ng pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar sa Maynila; Ordinance 8800 na naglilimita sa paglabas ng mga hindi bakunadong indibidwal sa syudad; Republic Act 11332 o ang pag-uulat ng notifiable diseases at health events; at Article 151 ng Revised Penal Code o ang disobedience to person in authority.

Iniharap na ang mga ito kay Office of Assistant City Prosecutor Victoriano Agda Jr. para sa inquest proceeding.

Ayon kay Manila Police District (MPD) spokesman Capt. Philipp Ines, ang mga naaresto ay mga lider umano ng grupong Gising Maharlika na nag-akay ng may 150 raliyista para i-promote ang “No to Vaccine” advocacy campaign nitong nakaraang Martes sa Liwasang Bonifacio sa Maynila. Hindi umano bakunado ang mga ito at hinihikayat nila ang publiko na huwag magpabakuna dahil hindi sila naniniwala sa COVID-19 pandemic.

Ani Ines, nakiusap ang pulisya sa mga raliyista para itigil na ang protesta pero hindi sila nakinig.

“Sila ang nagsabi na hindi sila vaccinated at hindi rin nakasuot ng facemask kaya walang magawa ang mga pulis kundi arestuhin sila,” pahayag ni Ines.

“Nakikiusap tayo sa ating mga kababayan na naiintindihan natin ‘yung inyong karapatan pero balansehin natin, meron tayong pandemya ngayon, yung karapatan at kalayaan ay laging me kaakibat na responsibilidad,” ani Ines. (PNA)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *