Tingnan din ang manpower capacity at hindi lang hospital bed occupancy

Tingnan din ang manpower capacity at hindi lang hospital bed occupancy

Naitala ang 32,246 COVID-19 cases noong Wednesday at pumalo na sa 3,058,634 ang kabuuang numero ng sakit sa buong Pilipinas.

Dahil sa paglobo ng mga kaso, nakasailalim na sa Alert Level 3 simula ngayong araw hanggang January 31 ang 28 pang lugar sa bansa base na rin sa kautusan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na ibinaba ni Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Sa ngayon, nasa 47 na ang bilang ng mga lugar sa bansa na nasa Alert Level 3 at kabilang sa mga ito ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna.

Para kay Partido Reporma senatorial candidate Dra. Minguita Padilla, dapat na ideklara ang Alert Level 4 sa National Capital Region (NCR) ng kahit dalawang linggo lamang upang maisalba ang sitwasyon ng health care workers dito na silang nag-aalaga sa ating mga maysakit.

Ito ang kanyang naging pahayag nang magkausap kami sa Viber.

Binigyang-diin ni Dra. Minguita na mayroon pa ring kinakailangang maospital kahit bakunado na ang malaking porsyento ng populasyon ng NCR. Saka hindi lang naman daw puro may COVID-19 ang nagpapatingin sa doktor o nagpapaospital, may mga pasyente rin na may ibang sakit ang kailangang gamutin.

Tanong tuloy niya: Paano na ang ating health workers kung sila mismo ang magkasakit?

Nagbigay ng isang magandang insight si Dra. Minguita kung saan kanyang sinabi na hindi lang daw dapat na ibinabase ng IATF ang mga desisyon nito sa hospital bed occupancy kundi dapat pati rin sa manpower capacity ng mga ospital at pasilidad.

“Walang saysay ang pagkakaroon ng maraming pasilidad kung walang health care workers na mag-aalaga sa mga pasyente kasi ang daming naka-quarantine,” aniya sa aming Viber chat.

Sa ilang pribadong ospital tulad ng St. Luke’s Medical Center, mayroon na itong inempleyong medical students, interns, at mga underboard na naka-assign ngayon sa less critical areas.

Aminado si Health Secretary Francisco Duque na Omicron variant na nga ang nananalasa sa bansa (finally!) at hindi nakaiwas sa virus maging ang ating health care workers.

Sa harap ng krisis na dala ng Omicron, hinihikayat ni Dra. Minguita ang pagkakaroon ng mga barangay ng mas aktibong partisipasyon sa laban kontra COVID-19. Aniya, maaari nang akuin ng isang Barangay Health and Emergency Response Team ang ilang gawain tulad antigen testing nang sa gayon ay magawa ng mga doktor at nurse ang iba pa nilang tungkulin.

Importante rin, aniya, ang pagkakaroon ng epektibong komunikasyon sa panahon ng pandemya at dapat na nauunawaan ng taumbayan ang mga nangyayari gamit ang mga salitang alam at naiintindihan nila.

Kailangan daw, sabi niya, ng isang spokesperson na hindi nananakot o nagagalit at marunong magbigay ng practical advice upang mapakalma ang publiko lalo na ngayong panahon ng Omicron. Saka iyon din daw na hindi nag-iimbento ng statistics.

Sino kaya itong tinutukoy ni Dra. Minguita? He-he-he.

Basta para sa akin, mas kailangan natin ngayon ng mga doktor, espesyalista, at eksperto na tulad ni Dra. Minguita kaysa mga politiko at bureaucrat na nagpapataba lang ng bulsa sa puwesto.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *