Sina Lassy Marquez at MC Muah pa rin ang maituturing na Unkabogable Sidekicks ni Vice Ganda!
Sanay nga ang mga fan ni Vice sa Amerika na palaging kasama ng Kapamilya comedian-TV host sina Lassy at MC sa tuwing nagsu-show siya sa bansang ‘yon, kaya naman sa ‘Fully Vice-cinated!’ US concert tour ng ‘misis’ ni Ion Perez na magsisimula sa July 2 & 3 sa Pechanga Resort Casino sa Temecula, California ay sila pa rin ang kasama.
Iba pa rin kasi talaga kapag sina Vice, Lassy at MC ang magkakasama sa comedy skit segment ng shows ng Unkabogable Star dahil click na click ito sa audience.
Last year nga sa tatlong shows nila sa Amerika para sa ‘Vax Ganda: A Dose of Laughter,’ grabeng tawanan ang audience sa mga pakuwela ni Vice kasama sina Lassy at MC.
Bukod kina Lassy at MC, may special participation din sa ‘Fully Vice-cinated!’ US concert tour ni Vice ang mister niyang si Ion at special guest naman si Darren Espanto.
Ang iba pang ‘Fully Vice-cinated!’ shows ni Vice ay sa Honolulu, Hawaii na kasabay ng selebrasyon ng 4th of July. Sa Arlington, Washington naman sila magsu-show on July 8 at July 10 naman ang final show nila sa Atlantic City, New Jersey.
Malamang na magbabakasyon din daw sina Vice at Ion ng ilang araw sa New York City bago bumalik ng ‘Pinas.











