WebClick Tracer

Salarin nagpakamatay 4 bata minasaker ng stepfather

Apat na batang magkakapatid ang pinatay ng kanilang stepfather sa Cavite.

Kalunus-lunos ang sinapit ng apat na batang magkakapatid sa Trece Martirez City, Cavite makaraang patayin sa saksak ng mismong live-in partner ng kanilang ina na kasalukuyang nagtatrabaho sa Saudi Arabia.

Natagpuan ng mga barangay officials na tigmak ng dugo ang magkakapatid na magkakatabing nakahiga sa kuwarto, tadtad ng saksak ang mga ito at sa dingding ay nakasulat sa dugo ang mga salitang “PASENSYA MAHAL KITA VIR”.

Kinilala ang mga magkakapatid na si Princess Viajan Marie Dona, 14; Bianca Rose Bisa, 10, Jacklyn Joy Bisa, 6 at Conrado Bisa, 6.

Nabatid na nagpadala pa ng larawan ng duguang mga bata ang salarin na si Felimon Galisangga Escalona, 38, sa ina ng mga ito na si Virginia sa pamamagitan ng Facebook Messenger. Matapos ipadala ang larawan, sinaksak ni Felimon ang kanyang sarili.

Nitong tanghali ng Huwebes, nakatanggap ng tawag ang pulisya mula sa mga opisyal ng barangay.

Nakitang katabi ng mga bata ang duguang si Felimon, 38-anyos. Nakatusok pa ang kutsilyo sa dibdib ng suspek nang isugod ito sa ospital subalit namatay din habang ginagamot.

Nangyari ang malagim na krimen sa bahay ng mga biktima sa Barangay Cabuco nitong Huwebes.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ang ina ng mga batang biktima ay isang overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi Arabia. Iniwan umano nito ang kanyang mga anak sa pangangalaga ng kanyang live in partner na si Felimon. Anim na buwan pa lamang umanong nagsasama sina Felimon at Virginia nang umalis ang babae para magtrabaho sa Saudi.

Sa ulat ni PSMSgt Richard Chavez ng Trece Martires City Police, dakong alas-12:35 kahapon nang nakatanggap sila ng tawag hinggil sa umano’y insidente ng pananaksak sa loob ng bahay sa B32 L57 Summer Homes, Barangay Cabuco, Trece Martires City.

Batay sa imbestigasyon, nag-away umano si Filemon at ang ina ng mga bata dahil hindi ito nagpadala ng pera.

Anim na buwan pa lamang umano sa Saudi si Virginia at palagi silang nag-aaway ni Felimon dahil sa selos. Hindi rin umano nakakapagpadala ng pera si Virginia na madalas din nilang pag-awayan.