WebClick Tracer

Misis pinagtataga ni mister bago nagpakamatay

Naospital ang isang misis matapos pagtatagain ng kanyang mister at makaraan ang ilang oras ay nagpakamatay naman ang lalaki sa pamamagitan ng pagbibigti.

Pinagtataga ng isang 34-anyos na mister ang kanyang misis bago nagpakamatay nitong Miyerkoles ng gabi sa Batangas City.

Kinilala ng Batangas City Police ang biktima na si Myrene Mei Fortuno, 35-anyos, loan officer. Isinugod ito sa Batangas Medical Center at patuloy na ginagamot dahil sa mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos pagtatagain ng kanyang asawang si Christian Fortuno, 34-anyos, isang negosyante.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon umano ng matinding pagtatalo ang mag-asawa sa kanilang bahay sa Purok 3, Barangay Calicanto, Batangas City. Inakusahan umano ng mister ang biktima na nakikipagrelasyon sa ibang lalaki.

Ang mainit na sagutan ay nauwi sa pananaga ng mister sa misis ng ilang beses gamit ang isang itak.

Matapos ang pananaga, tumakas ang mister pero hindi katagalan ay nakatanggap ng report mula sa Taal Police na natagpuang walang buhay si Christian sa bahay na pag-aari rin ng mag-asawa sa Barangay Poblacion Zone 5, Taal, Batangas.

Nagbigti umano si Christian at natagpuang walang buhay dakong alas-10:30 ng gabi.