WebClick Tracer

Carlo Paalam, Nesthy Petecio may mas mabigat na misyon sa Asian Games

MATINDI ang mga labang naghihintay sa Philippine boxing team sa Asian Games.

PAMUMUNUAN nina Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam at Nesthy Petercio ang mas mabigat na misyon na naghihintay sa Philippine boxing team matapos ang matagumpay na kampanya sa katatapos na 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.

Sinabi ni Association of Boxing Alliances of the Phillippines (ABAP) secretary general Marcus Manalo na gagamitin nila ang mahahalagang aral na natutunan nila sa biennial meet sa pagsabak sa mas mabigat na laban nila sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa huling bahagi ng Setyembre.

Hindi sigurado kung makakasama ng koponan ang Tokyo bronze medalist na si Eumir Felix Marcial kung kaya mas maiiwan kina Paalam at Petecio ang paggabay sa pagsabak sa 19th Asian Games na pinakaunang qualifying event at direktang magtutulak sa magwawagi sa 2024 Paris Olympics.

Ang lahat maliban sa apat na kategorya ng timbang ng kababaihan ay nag-aalok lamang ng dalawang puwesto sa Olympiad. Ang women’s fly, (50kgs), bantam (54kgs), feather (57kgs) at lightweight (60kgs) classes ay nakataya ang apat na tiket sa Paris.

“Ang Asian Games ang malaki,” ani Manalo. “(Ang SEAG) ay isang magandang hakbang patungo sa direksyon na iyon, ngunit malinaw naman, mayroong maraming lugar ng pagpapabuti sa koponan, at patuloy kami magtatrabaho doon.”