WebClick Tracer

Masaker sa Caloocan: 3 patay, 1 kritikal

Tatlo ang agad namatay habang isang dalagita ang kritikal makaraang ratratin habang nasa kasarapan ng tulog sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City.

Tatlo ang patay kabilang ang isang teenager na babae habang nasa malubhang kalagayan naman ang isa pang dalagitang estudyante matapos silang pagbabarilin sa loob ng kanilang tinitirahang compound habang ang mga ito natutulog sa Caloocan City, nitong Martes, June 13, bago maghatinggabi.

Dead on the spot ang mga biktimang sina Joel Camarillo, 51, welder at bayaw nitong si Nilo Balili, 54, mga residente ng No. 19 1st Avenue, Barangay 40 ng nasabing lungsod dahil sa mga tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa Caloocan City Medical Center naman binawian ng buhay ang 15-anyos na si Marian De Vera na tinamaan din sa ulo at katawan.

Nasa kritikal na kalagayan sa nasabing pagamutan ang isa pang estudyante na si Jamill, 17.

Ayon sa nakasaksi, nakilala lamang sa mga alyas na “Álvin” at “Buknoy” ang dalawang gunmen habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa pang lalaki kasama ng mga ito na nagsilbing look out sa krimen.

SInabi ng saksi sa pulisya na bandang alas-11:30 ng hatinggabi nang huminto harap ng compound ng mga biktima sina “Buknoy” at “Alvin” kasama ang dalawang lalaki sakay ng dalawang motorsiklo.

Nadinig pa daw ng saksi nang magtanong ang dalawang gunmen sa kanilang kasamahan kung nasa loob ng bahay si Joel at nang makumpirma na naroon ito at natutulog ay pumasok na sa loob ang mga salarin habang naiwan na ang mga driver ng 2 motorsiklo.

Makalipas ang ilang minuto, sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw at nakita pa ng witness na tumatakbong palalabas sina “Alvin” at” Buknoy” na hawak pa ang baril. Agad sumakay ang mga ito sa nakahintong motorsiklo at tumakas.

Nagawa pa daw makalabas ng bahay ni Jamilla kahit duguan at sa kalsada na ito nawalan ng malay.

Si Joel lamang umano ang target ng mga salarin, pero nadamay ang tatlo pang biktima dahil gawa lamang sa kahoy ang kanilang mga bahay kung saan tumagos ang mga bala sa dingding.

Lumalabas na dating kaaway ni Joel sina “Alvin” at “Buknoy.”

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Caloocan City Police, para sa ikadarakip ng mga salarin.