Natukoy na ng pulisya kung sino ang pumatay sa babaeng caregiver na natagpuang nabubulok sa loob ng dram sa Cainta, Rizal.
Ayon kay Police Major Alfonso Saligumba, hepe ng Cainta Municipal Police Station (MPS), ang suspek ay si Kenneth Tan, negosyante, anak ng mag-asawang matanda na amo ng biktimang si Maribel Bascal, 42, stay out caregiver.
Gayunpaman, may record umano ng paglabas ng bansa si Tan at pinaniniwalaang nasa Taiwan na ito mula pa noong Lunes, Hulyo 3.
Maguugnitang Hulyo 3 nang matagpuan ang bangkay ng biktima. Umalingasaw na ang amoy ng bangkay kaya nagsumbong na ang mga kapitbahay hanggang sa madiskubre sa loob ng pinagsaklob na drama ang bangkay ng nawawalang si Maribel. Huling nakitang buhay ang biktima noong Sabado nang magpaalam itong patungo na sa bahay ng amo.
Itinuturing ng pulisya na ‘sign of guilt’ ang paglabas ng bansa ni Kenneth. Sasampahan na ito ng kasong murder habang ang kanyang ina ay itinuturing na kasabwat at kasalukuyan nang nasa kostudya ng pulisya.
Hinihinalang pinagtulungan patayin ng mag-ina ang biktima dahil base sa autopsy report ng Rizal Forensic Unit ay “multiple hack wounds” o mga taga sa likod, ulo at saksak sa katawan ang ikinamatay ni Maribel. Basag din ang buto ng ilong nito.
Sa nakalap pang testimonya ng mga pulis, dati nang may record ng pananakit sa kasambahay si Kenneth. Isang dating helper ng pamilya ang tinaga nito sa ulo pero nauwi lang sa areglo ang kaso.
Naunang sinampahan ng obstruction of justice ang ina ni Kenneth dahil sinabi nito na patay na hayop lamang ang laman ng dram sa kagustuhang pagtakpan ang krimen.











