UNANG pagsali pa lamang ni Krystal Ava David ng National Capital Region (NCR) ngunit agad itong nagtala ng sarili nitong record sa pagbura sa higit 10-taong record sa elementary girls 100-meter breaststroke event sa unang araw ng kompetisyon ng swimming sa 2023 Palarong Pambansa Martes sa Marikina Sports Center.
Nilangoy ng 12-anyos na taga-Parañaque na si David sa mabilis na oras na 1:17.98 minuto ang distansiya upang basagin ang lumang marka na 1:19.35 na itinala noong 2013 Palaro na ginanap sa Dumaguete City ni Raissa Regatta na mula din sa NCR.
Pumangalawa sa incoming Grade 7 student na si David si Azula Villanueva ng Region 3 na halos pitong minuto na naiwan sa 1:24.79 oras at pumangatlo na si Cathlene Hengania para sa tansong medalya sa 1:25.48 tiyempo.
Samantala, nagwagi din ng gintong medalya si Liv Florendo para sa unang ginto ng Region 1.
Naiuwi din ng Cordillera ang kanilang mga unang medalya sa St. Scholastica’s Academy sa taekwondo event.
Nasungkit ng Fearless Highlanders sa mga Taekwondo Poomsae artist na sina Trisha Lobbonan at Joniya Ysabelle Obiacoro ang ginto at pilak na medalya, ayon sa pagkasunod, sa elementary girls individual category.