Pinagsasaksak ng isang Vietnamese national ang dalawang barangay tanod na sumita sa kanyang ginagawang pagma-masturbate sa harap ng publiko kahapon ng umaga sa may Arellano Avenue corner Zapanta Street, Malate, Maynila.
Kinilala ni PCpl Samuel Cayabyab, ng Manila Police District -Police Station 9 ,ang mga nasugatang barangay tanod na sina Jerry Glory at Eizaldy Molin, ng Barangay 754, Zone, 81, Malate, Maynila na nagtamo ng mga minor injuries sa iba’tbang bahagi ng katawan.
Hindi pinangalanan ng pulisya ang suspek.
Bukod sa pananaksak sa mga tanod gamit ang screw driver, nahaharap pa sa reklamong pananakal at panunutok ng screw driver ang dayuhan matapos ireklamo ng residenteng si Jamayca Pertiz y Arevalo, ng Singalong Street, Malate.
Sa imbestigasyon, nabatid na alas 10:30 ng umaga nang mamataan ang suspek na nakaupo sa e-bike na walang saplot at walang pakialam na nagma-masturbate sa harap ng mga tao.
Sinita umano ito ng mga barangay tanod pero tumakbo ang dayuhan at nang malapit nang abutan ay nanghalihaw ng hawak niyang screw driver kaya nasugatan ang mga biktima.
Naaresto lamang ang suspek nang dumating ang mga nagrespondeng pulis mula sa Arellano PCP.
Nakatakdang sampahan ng kasong alarm and scandal , physical injury at grave threat ang dayuhan sa Manila Prosecutors Office.