WebClick Tracer

Pagsibak sa 8 pulis na sabit sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar aprubado na ng NCRPO

Aprubado na ng NCRPO ang dismissal order sa 8 pulis na sangkot sa pagkamatay ng teenager na si Jemboy Baltazar noong nakaraang buwan sa Navotas City.

Inaprubahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagsibak sa serbisyo sa walong pulis na nasangkot sa pagpatay sa tinedyer na anak ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jemboy Baltazar.

Ang pagpapatalsik sa serbisyo sa 8 pulis ng Navotas ay inirekomenda ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) matapos ang isinagawang masusing imbestigasyon sa hindi makatarungang pagkamatay ni Jemboy, 17-anyos.

Ayon sa ulat ng DZBB, pirmado na ni NCRPO Chief Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang dismissal order sa 8 pulis na kinabibilangan nina Executive Master/Sgt. Roberto Balais Jr., Staff Sergeants Antonio Bugayong Jr., Gerry Maliban at Nikko Pines Esquillon, Cpl. Edmard Jake Blanco at Pat. Benedict Mangada.

Kasama rin sa pinasibak sa serbisyo ang dalawang team leader na sina Captains Mark Joseph Carpio at Luisito de la Cruz dahil sa grave neglect of duty.

Lumabas sa imbestigasyon na noong August 2, 2023 ay patungo sana si Jemboy para mangisda kasama ang isang kaibigan. Nililinis umano ni Jemboy ang bangka nang dumating ang mga pulis na noo’y may hinahabol na suspek sa isang barilan sa Barangay NBBS Kaunlaran.

May nakapagturo umano sa mga pulis na ang suspek ay nasa isang bangka kaya pinagbabaril ng mga ito si Jemboy. Lumitaw sa imbestigasyon na isa itong kaso ng mistaken identity.

Ang ina ni Jemboy ay isang OFW sa bansang Qatar.

See Related Story Here:

Kabaong ni JM Canlas binigay sa binatang napatay ng pulis sa Navotas