Inamin ng mga Sexbomb Girls member na sina Aira Bermudez at Sugar Mercado na naranasan na ng kanilang grupo na mahipuan ng male fans na gigil na gigil sa kanila.
Ito raw ang dahilan kaya lagi silang magkakayakap at pila-pila kapag pumapasok at umaalis sa venue ng shows nila noon.
Sa ‘Fast Talk with Boy Abunda, kinuwento ni Aira at Sugar ang kanilang karanasan noon bilang mga Sexbomb Girls member.
“Kasi, ‘yung ibang fans namin, dahil mabait kami sa fans namin, tini-treat namin sila na parang pamilya at friends namin,” pagbabahagi ni Aira.
Sey pa niya, “‘Yung iba sa kanila, nag-take advantage. ‘Tapos, ‘yung iba naman, nangyayari sa situation na may performance kami, umaabot na sa hipuan.”
“Kaya, Tito Boy, ang ginagawa namin, isa-isa, pila-pila kami, magkakayakap, hawak namin yung mga bahagi ng katawan namin, papasok at papalabas ng stage,” sabi naman ni Sugar.
Balik-Pinas ngayon si Aira dahil naka-base na isya sa Australia kapiling ang kanyang banyagang mister, habang si Sugar naman ay single mom ng dalawang anak.
Hindi rin pala madali ang pinagdadaanan ngayon ni Aira dahil kamakailan nga ay pumanaw ang kanyang ina, dalawang araw lang matapos ang kanyang kaarawan.
Si Sugar naman, nakaranas ng lowest point sa kanyang buhay dahil hindi niya raw nagawang magkaroon ng kompletong pamilya.
“Wala naman sa atin na gusto na watak-watak ‘yung family, pero naintindihan ko si Lord why, para maging strong ako para sa mga anak ko,” aniya.