WebClick Tracer

Charmea Quelino sasabak sa Hangzhou 19th Asiad

SASABAK sa kurash event sa Asian Games si Charmea Quelino.

ABANTE si 2021 Southeast Asian Games silver medalist Charmea Quelino kasama ang tatlong iba pa na susubok na makabalibag ng gintong medalya sa darating na 19th Asian Games simula Setyembre 30 hanggang Oktubre 2 sa Xiaoshan Linpu Gymnasium sa Hangzhou, China.

Malaking tulong para sa 24-anyos na tubong Baguio City ang pagkakapanalo ng pilak na medalya sa 2023 Asian Senior Kurash Championship nitong nagdaang Abril na ginanap sa parehong lugar sa China sa women’s under-63kgs category.

Bukod sa Kurash, nakatakda ring ganapin sa naturang venue ang mga laro ng judo at jiu-jitsu sa Asiad meet na magsisimula sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 8 mula sa 61 disciplines sa 40 sports events.

Sasabak si Quelino sa mas mababang timbang sa women’s under-52kgs, kasama rin sina 2021 Vietnam SEA Games champion Jackielou Escarpe sa men’s under-81kgs, Ryan Benavidez sa men’s under-66kgs at SEA Games runner-up Helen Aclopen sa women’s under-52kgs.

“We’re hoping to medal all our four athletes, kasi mukhang malaki naman ang chances natin dahil sobrang masisipag silang mag-training at very dedicated sila sa ensayo,” pahayag ni coach Jenielou Mosqueda sa Abante Sports na umaasa ring magiging maganda ang kanilang pairing sa bracket system.

Sumabak rin sa matinding pagbabawas ng timbang si Quelino mula sa mahigit 60 kilos ay nagbawas ito ng mahigit sa 10 kilo, kaantabay ang mahirap na ensayo kasama ang buong national team. (Gerard Arce)