“Para kang nagsisimula nanaman…back to zero.” Ito ang nanlulumong pahayag ni Lassy Marquez nang ipakita niya ang naging pinsala ng bagyong ‘Carina’ sa kanyang bahay na nalubog sa baha.
Ayon kay Lassy, aabot daw sa P500,000 ang halaga ng pinsala, kasama na ang mga appliances na nasira ng nakaraang bagyo.
Ito raw ang dahilan kung bakit hindi pa siya nakakapasok sa noontime show na ‘It’s Showtime’.
Sa YouTube vlog ng Beks Battalion, ipinakita ni Lassy ang naging istura ng kanyang bahay matapos ang paghagupit ng bagyo. Aniya, umabot raw sa kalahati ng kanilang second floor ang baha.
Aniya pa, “Ang hirap kasi para kang nagsisimula nanaman. ‘Yung lahat back to [zero].”
“‘Yung itsura nitong [bahay], nakakapagod talaga…Amoy baha. Ang hirap nang kumilos dito, sobra,” aniya pa.
Hindi naman daw ito ang unang beses na binaha sila pero sa pagkakataon daw na ito ay nagkaroon siya ng trauma dahil sa nangyari.
“Nung una ‘yung 2012 na hindi naman umabot ng second floor. Ito ‘yung malala. Sobrang lala na nakaka-trauma talaga.”
Tila doble dagok nga ito para kay Lassy dahil nawala pa raw ang urn ng kanyang yumaong ama nang lumikas ang kanyang pamilya, matapos daw tumaob ang rescue boat. Mabuti na lang daw ay nakuha pa rin niya ito.
“Nakakapagod pero kaya naman. Kasi ‘di ba ‘yung tatay ko mahigit two months pa lang namamatay, tapos ito na naman,” sabi ni Lassy.











